Saturday, November 18, 2017

Lakbay - Sanaysay

Byahe ko, Tanawin mo! 
ni Mareng Eds 

     Indoor travel ang hanap? Ayaw pagpawisan at aircon ang hanap? Tara! Samahan mo ako sa aking naging byahe sa isa sa mga mayayaman at kilalang pasyalan sa lungsod ng Maynila.

     Ano nga ba ang mga tinatagong ganda ng Maynila sa kabila ng mga hindi magagandang rebyu tungkol dito? Handa ka na ba? Tara na’t tuklasin ang mga pinagmamalaking atraksyon ng lugar ng Maynila sa bansang Pilipinas.

     Ang isang probinsyanang katulad ko na nagmula pa sa probinsya ng Bataan ay dumayo at lumakbay paMaynila upang bisitahin ang isa sa mga bagong Casino na itinayo sa ating bansa kaakibat ang aking buong pamilya upang magkaroon ng oras para magsaya. Pinili naming sa pagdating ng hapon na magpunta sa aming napiling atraksyon na pupuntahan upang makapagpahinga muna sa buong umaga dahil kami ay sasabak sa mahaba-habang lakarin at kailanga’y mayroon kaming sapat na enerhiya sa paglalakbay na ito. Pagdating ng hapon ay pumunta na kami papuntang Mall of Asia upang magliwaliw at mamili ng mga bagay-bagay. Ang SM Mall of Asia na kilala din bilang SM MOA ay isang shopping mall sa Bay City, Pasay, Philippines na malapit sa SM Central Business Park, Manila Bay at sa Southern End ng Epifanio de los Santos Avenue na kilala din sa tawag na EDSA.





Image may contain: sky, cloud and outdoor

     Ang SM MOA ay ang pang-apat sa pinakamalaking shopping mall sa buong munso. Hindi naman kami inabot ng matagal sa byahe papunta sa MOA dahil sa Malibay, Pasay lamang kami namalagi ngunit kung wala ka namang bahay na matutulugan pagpunta doon ay mayrooon namang mga kalat-kalat na hotel na handang mag-accommodate kahit na anumang oras. 

  

                              

     Umandar ng mabilis ang oras ng hindi naming namamalayan, pagkalabas namin sa MOA ay nagtungo naman kami sa SM by the bay na matatagpuan lamang sa likod ng MOA at doon naman namin napiling kumain ng hapunan lalo na’t marami ding mga restaurants ang nakapaligid dito. Dito namin napiling kumain upang hintayin ang fireworks na anumang oras ding iyon ay puputok na at magsisimula ng liwanagan ang madilim na kalangitan noong gabing iyon. 

   Ang SM by The Bay Amusement Park ay matatagpuan sa Sea Side Boulevaard, Mall of Asia Complex, Pasay City. Ang Amusement Park na ito ay mayroong iba’t-ibang palaruan para sa mga bata at mga restaurants para sa buong pamilya. Naglakad-lakad kami pagkatapos lagyan ng laman ang aming mga tyan upang bumaba ang aming kinain at upang damhin ang ganda ng paligid at simoy ng malamig na hangin na dala ng karagatan. Hindi naman naburyong ang mga batang kasama namin dahil sa mga palaruang nagkalat din sa SM By The Bay, hindi nila pinalampas ang pagkakataon at sinakyang ang lahat ng ito.     
                                   
                                                                                                                          


     

     Pagpatak ng alas-otso medya ng gabi ay nagpunta na kami sa harapan ng MOA upang hintaying ang service ng Okada Manila kahit na kami ay mayroong sariling sasakyang dala. Hindi namin pinalampas ang pagkakataong makasakay sa shuttle na inihanda ng Okada Manila para sa kanilang mga guests. Hindi naman kami nagsisi sa aming desisyon dahil sa labas pa lang ng bus ay masasabi mo ng maganda rin ang loob nito, at hindi nga kami nagkamali dahil pagpasok pa lang namin sa loob ay parang kami ay nasa loob ng isang eroplano. Napaka-komportable ng mga upuan nito, may mga portable tablet din ang mga likod ng mga upuan gaya ng mga nasa eroplano, naglalaman ang mga ito ng application ng mga laro, pelikula, mga tugtugin, internet, at mga impormasyon tungkol sa Okada.


     
   Nakakabitin lamang dahil napaka-saglit lamang ng byahe dahil malapit lamang pala ang MOA sa Okada kaya’t hindi namin nasulit ang panonood ng pelikula. Ang isang nakakatuwa pa sa pagtanggap ng Okada sa mga panauhin nila ay walang bayad ang pagsakay sa shuttle nila at ito rin ang magbabalik sa iyo sa MOA. 


     Pagkababa pa lamang namin ng shuttle ay hindi sapat ang salitang “WOW!” dahil sasalubong agad ang napakalaking chandelier sa labas ng nasabing casino. Taos puso naman ang pagtanggap ng mga staffs at may ngiti sa labi nilang sinasabi ang mga katagang “Enjoy your stay here in Okada ma’am sir!” kaya naman mapapangiti ka na rin pabalik. Ang Okada Manila ay isang casino na matatagpuan sa New Seaside Dr, Parañaque, 1701 Metro Manila. 

  



     Ito ay isa sa pinakamayamang casino na kilala sa buong mundo. Napakahigpit ng seguridad ng Okada Manila dahil ito ay isang eksklusibong casino sa panahan ngayon. Ang akala naming bonggang chandelier na sumalubong sa amin ay bongga na ngunit hindi pa pala dahil sa loob nito ay punong-puno ng mga mamahaling bagay na aakalain mong ikaw ay nasa loob ng isang palasyo dahil sa ganda. Nilibot namin ang buong lugar ng may pagkamangha sa mga mata, hindi naman kami pumasok sa loob ng Casino dahil marami pa kaming mga menor de edad kaya’t pati ang mga nasa edad na na kasama namin ay hindi na rin pumasok. Ngunit hindi pa pala doon matatapos ang aming pagkamangha sa lugar sa iyon dahil maging ang banyo doon ay hindi rin magpapatalo, doon ko napatunayan na buhay na buhay ang makabagong teknolohiya sa lugar na iyon dahil dipindot na ang lahat ng bagay kaya naman mukha kaming tao sa mula pagkalabas namin sa palikuran. Mayroon ding mga pamilihan sa loob nito at ginto ang presyo ng mga bagay dito dahil sa sobrang mahal ng mga presyo ng mga bagay na kanilang itinitinda. Pagkatapos naming magikot-ikot at manguha ng mga litrato ay lumabas na kami at nagtungo na sa fountain area ng Okada. 










     Ang dancing fountain ng Okada Manila ay kilala bilang isa sa mga pinakamalawak na dancing fountain sa buong mundo. Nag-enjoy kaming lahat sa panonood dahil ito ay sinasabayan ng nakakaindak na kanta at mayroon ding mga performers sa gitna na sumasabay sa pagsasayaw ng fountain. Tinagal ito ng kulang kalahating oras. Nakakalungkot lamang isipin dahil hindi pa pala fully build ang Okada Manila kaya’t hindi pa buo ang building sa likod ng dancing fountain na magsisilbi sanang projection na sasabay din sa pagsayaw ng fountain sa pamamagitan ng pag-flash ng mga video. Ngunit ayos lang naman dahil maganda at nakakawili ang palabas at sa tingin ko ay mas magiging maganda at mas dadayuhin pa ito kapag natapos na ang Okada. Pagkatapos noon ay nagpasya na ang lahat na umuwi, bumalik kami sa MOA sakay pa rin ng shuttle na sinakyan namin kanina. Doon natapos ang gabing nagpuno sa amin ng mga bagong karanasan. 

      Na-engganyo ka ba sa pagbabalik tanaw natin sa aming byahe? Kung gayon, naghanda ako ng iba pang mga kaungkulang impormasyon sa mga pasyalang aming napuntahan, nawa’y ako ay nakatulong sa iyo. Salamat sa oras na iyong inilaan sa pagbabasa! Mula sa iyong byahera, paalam ng byaheras! Hanggang sa muli!

1 comment: